Ang Babae Sa Daan
Sandali kang napahinto. Ang iyong mga mata ay hindi na mapakali. Unti-unti mo nang nararamdaman ang takot na dahan-dahang sumasakop sa iyong sistema. Hindi mo namalayan na nakayakap ka na pala sa iyong katawan. Nilalamig at nanginginig.
Mariin mong ipinikit ang iyong mga mata. Nang muli kang magmulat ay huminga ka nang malalim bago muling nagpatuloy sa paglalakad.
Binabaybay mo ang kahabaan ng eskinita malapit sa inyong lugar. Kahit papaano ay maliwanag ang lugar na iyong nilalakaran dahil sa ilang lumang poste ng ilaw sa daan.
Muli kang napahinto. May narinig kang putok ng baril. Dali-dali kang nagkubli sa madilim na bahagi ng eskenita. Agad ka pang napatakip ng ilong dahil sa baho ng iyong tinataguan. Kahit masangsang ang amoy ay tiniis mo lang iyon. Ilang saglit pa, may dalawang lalaki ang dumaan malapit sa iyong kinalalagyan. Nagbubulungan ang mga ito. Tumatawa. Hindi. Humahalaklak sila! Ramdam mong may ginawa silang hindi kanais-nais.
Pigil na pigil ang iyong paghinga. Natatakot ka na baka makita ka nila. Bawat segundong lumilipas ay patindi nang patindi ang kabog ng iyong dibdib. Takot na takot ka. Hindi rin nagtagal ay mabilis na naglaho sa iyong paningin ang dalawang kalalakihan na halatang nagmamadali.
Ayaw mo pa sanang tumayosa iyong kinalalagyan ngunit wala ka nang magawa. Masyado ka nang gagabihin sa pag-uwi. Nagpalinga-linga ka muna sa paligid bago nagsimulang maglakad.
Sa kalagitnaan ng iyong paglalakad ay biglang nagpatay-sindi ang mga ilaw. Sumabay pa rito ang malakas na hampas ng hangin kung kaya ang ilang sako ng basura ay natumba. Muntik ka pang mapasigaw nang may sumulpot na pusang itim sa iyong harapan.
Napasapo ka nalang sa iyong dibdib. Labi-labis na ang kabog nito. Dahil sa labis na kuryosidad ay nakiusisa ka.
Napatakip ka nalang ng iyong bibig. Hindi ka Makapaniwala sa iyong nakita. Nakahandusay sa sahig ang isang babae at naliligo sa sarili nitong dugo. Kitang-kita mo rin ang mga pasa nito sa mukha at maging sa katawan. Namumula iyon at tila sariwa pa. Hindi rin nakatakas sa iyong paningin ang ilang saksak sa katawan ng dalaga.
Napaatras ka. Nagsisimula na namang mangilabot ang iyong katawan. Paulit ulit na bumabalik sa iyong isipan ang hitsura ng dalaga. Nakangisi at tila tumatawa.
Umiiling-iling ka.
Agad kang napatingin sa iyong likuran nang may mabunggo ka. "Sorry po." mahinahong sabi mo. Pag-angat mo ng tingin ay bigla itong ngumisi. Mabilis na gumapang sa iyong buong sistema ang kakaibang pakiramdam. Nangilabot ka.
Ang babae sa iyong harapan ay ang babaeng duguan na nakahandusay kanina lang! Titig na titig ito sa iyo. galit na galit. Muhing-muhi sa hindi malamang dahilan. Gusto mong maiyak pero hindi mo magawa. Sinubukan mong sumigaw ngunit walang tinig na lumabas sa iyong bibig.
Namilog ang iyong mga mata sa sumunod na nangyari. Ang babaeng duguan ay unti-unting lumapit sa iyo. Kinuha nya ang iyong kamay at itinapat sa kanyang noo. Hindi pa ito nakontento at ipinasok ang iyong hintuturo sa butas sa kanyang noo.
Agad na nanlambot ang iyong mga tuhod. Mangiyak-ngiyak kana. Ramdam na ramdam mo ang kakaibang init sa iyong hintuturo. Pakiwari mo pa ay may kung ano na gumagapang doon.
Pagkahugot ng dalaga sa iyong daliri mula sa butas ng kanyang noo ay binigyan ka niya ng isang ngiti—ngiti na lalong nagpanginig sa iyong mga kalamnan. Mabilis na umagos ang mapulang likido mula sa kanyang noo kasama ng ilang mapuputi at nakakadiring uod.
Napahiyaw ka na lang.
Nang mabitawan nya ang iyong kamay ay mabilis kang umatras palayo. Ang mga namuong luha sa iyong mga mata ay unti-unti nang tumutulo sa iyong pisngi. "A-ano ba'ng nangyayari?" ang nangangatal mong sabi.
Habang patuloy ka sa paglayo ay patuloy rin ito sa paglapit sa iyo. Hinahabol ka niya. Hindi nagtagal, napatid ka at napasalampak sa sahig. Nanginginig na ang iyong buong katawan. tatayo ka na sana nang biglang may malamig na palad ang humawak sa iyong balikat. kahit takot ay awtomatikong lumingon ang iyong ulo.
Tumambad sa iyong harapan ang mukha ng babae na naaagnas ang noo. May ilan pang mga malalaking puting uod na gumagapang doon. Amoy na amoy mo rin ang masangsang na amoy na nagmumula sa kanyang mga sugat sa mukha.
Mabilis kang tumayo at akmang tatakbo nang bigla ka nalang niyang niyapos ng pagkahigpit-higpit. Ramdam na ramdam mo ang kakaibang init na unti unting dumadaloy sa iyong balikat. May dala iyong nakakasulasok na amoy na hindi mo lubos masikmura. Nang lingunin mo iyon ay kitang-kita mo ang pulang-pula na likido na unti-unting umaagos sa iyong katawan.
Naglakas-loob ka at mabilis siyang itinulak. Laking gulat mo nang mawala sya bigla.
Nililingon mo ang paligid. Wala na ang babaeng duguan. Nawala itong parang bula.
Patakbo kang umalis sa lugar ngunit hindi ka pa man nakakalayo ay dinamba ka bigla ng babae.
Mula sa pagkakahiga ay napabalikwas ka. Pawis na pawis at naghahabol ng hininga. Dali-dali kang nagtungo sa kusina para kumuha ng maiinom. Mag-iisang buwan na rin ang nakakalipas nang makita mo ang babaeng duguan. Simula rin no'n, palagi mo na itong napapanaginipan.
Pabalik ka na sa iyng silid nang may kumatok sa harap na pintuan. Dahil wala ang iyong mga magulang ay dali-dali kang nagtungo roon para buksan ang pinto.
Tumambad sa iyong harap ang mukha ng isang lalaki, nakangisi, at nanlilisik ang mga mata.
Ilang sandali pa, naramdaman mo na lang na may mainit na likido ang umaagos sa iyong dibdib. Napahawak ka rito at pinagmasdan ang iyong kamay.
Dugo!
Nang mapagtanto mo iyon ay unti-unting nanlabo ang iyong paningin. nanghihina ka. Pakiwari mo pa ay bigla na lang inantok.
Bago tuluyang mablangko ang iyong isip ay narinig mong nagsalita ang lalaki, "Okay na pare. Patay na 'yong nakakita sa 'tin."
Comments
Post a Comment