Third Eye
Nasa Maynila na kaya sila?
Nakaramdam siya ng pagkainis, ni hindi man lang kasi siya ginising ng driver ng sinakyang van. Maging ang mga kasabay niyang pasahero ay parang mga walang pakialam sa kapwa at hinayaan lang siyang maiwang natutulog.
Lumuwas kasi si Peter ng Maynila mula sa kanilang bayan sa Santa Barbara dahil magsisimula na naman ang klase para sa second semester. Sa Maynila siya pinag-aaral ng mga magulang at kasalukuyang tumutuloy sa isang boarding house.
Napamulagat ang binata nang mapatingin sa kanyang luminous na relo —alas-diyes na pala ng gabi! Ipinilig niya ang ulo, bahagyang nag-inat ng katawan, isinukbit ang dala-dalang backpack, at saka tuluyang lumabas ng van. Napahalukipkip siya, napakalamig ng hangin na sumalubong sa kanyang balat. Lalong nadismaya si Peter nang makitang makulimlim ang langit at nagbabadya ang pagbuhos ng ulan.
"O, mabuti't gising ka na."
Muntik nang mapalundag si Peter nang biglang marinig ang boses ng driver ng van.
"Manong, nandiyan lang naman po pala kayo, bakit hindi ninyo naman ako ginising kaagad? S-saka.. bakit dito kayo pumarada? Ang dilim naman dito. Sira pa yata ang streetlights," saad niya.
"Ah, mahimbing kasi ang tulog mo. Baka 'ika ko napagod ka sa limang oras nating biyahe mula sa Santa Barbara kaya hindi na kita ginising."
"Okay lang po. Mabuti na nga rin po at nakapagpahinga ako. T-teka, Manong, nasaan ba tayo? Parang hindi kasi ako pamilyar sa lugar naito. Malapit na ba tayo sa Sampaloc? Doon po kase ang punta ko,"
"Nasa Santa Ana tayo, Peter."
Saglit na natigilan si Peter at nagtaka. Bakit alam ng driver ang kanyang pangalan? Naisip niya, hindi na bale, hindi naman iyon mahalaga.
Nagsimula siyang maglakad. Naririnig niya ang tunog ng mga sasakyan na nagmumula sa highway, pero wala naman siyang natatanaw. Sa tantiya niya, may ilang metro din ang layo ng mga sasakyan mula sa kanyang kinalalagyan.
Mabilis ang ginawang paghakbang ni Peter, para kasing may kakaiba siyang nararamdaman sa paligid. Bakit ba ganito? Parang may kung anong kilabot na unti-unting gumagapang mula sa nanlalamig niyang talampakan papunta sa kanyang ulo. Nagsimula na ring umambon kaya lalo pang lumamig ang hanging dumadampi sa kanyang balat.
Iniligid ni Peter ang kanyang mga mata. Masyadong malamlam ang liwanag na nanggagaling sa iilang aandap andap na streetlights kaya ni hindi niya makita ang mga mukha ng mangilan-ngilang taong nasasalubong niya.
Isinuksok ni Peter ang tig-isang kamay sa magkabilang bulsa ng suot na pantalon upang iwaksi ang kabang kanyang nararamdaman. Ayaw na ayaw kasi niya ang ganitong pakiramdam. Alam niyang may makikita na naman ang kanyang third eye at posibleng may mga ligaw na kaluluwa sa lugar na ito. Halos sampung taon na rin kasi siyang nakakakita ng mga ganoon, mula pa noong siya ay walong taong gulang pa lang.
Napatingin si Peter sa unahan ng kalyeng nilalakaran, mas lalo pa yatang dumidilim sa gawi roon. Nagtaka siya, bakit tila pahina na nang pahina ang tunog ng mga sasakyan na kanyang naririnig? Pakiramdam niya, lumalayo siya sa highway.
Bahagya siyang huminto, naliligaw na yata siya!
Nang maisip iyon ay mabilis siyang pumihit pabalik... at nagulantang nang may mabunggo siyang malaking bulto ng katawan.
"Ahhhh!"
Mabilis siyang napaatras at tiningnan ang kanyang nabunggo. Nanghumindig ang kanyang balahibo nang maaninag ito —isang katawan ng lalaking walang ulo!
Muli siyang napasigaw nang malakas, kasabay ng mabilis na pagtakbo.
Hindi huminto si Peter hanggang sa mapagod siya at halos hindi na niya maihakbang ang kanyang mga paa. Hindi siya nagkamali, marami ngang ligaw na kaluluwa sa lugar na ito. Kailangan na niyang makalabas dito!
Nang hindi niya makayanan ang pagtakbo, saglit siyang huminto upang lumanghap ng hangin. Bahagya siyang lumingon at nakahinga nang maluwag nang hindi na niya matanaw ang katawang walang ulo.
Ilang sandali ang pinalipas ni Peter, muli siyang naglakad. Litong-lito siya. Deretso lang naman ang ginawa niyang paglalakad kanina, ngunit ngayong pabalik na siya, bakit parang hindi parin niya makita ang lugar na pinaparadahan ng van? Wala na rin siyang naririnig na tunog maliban sa mga huni ng mga panggabing ibon at kulisap.
Natatakot na talaga siya. Tila pinaglalaruan siya ng kanyang paningin. Ang kilabot na kanina pa niya nararamdaman ay lalo pang tumindi. Pakiramdam ni Peter ay nanlalaki na ang kanyang ulo at nanginginig na ang kanyang kalamnan.
Subalit sa kabila ng mga nararamdaman, wala siyang maaaring gawin kung hindi ang muling maglakad at magdasal. Binilisan niya ang paghakbang at itinuon ang paningin sa kalyeng nilalakaran. Bahagya siyang nabuhayan ng loob nang may matanaw siyang liwanag, tila nanggagaling sa isang sasakyan.
Lakad-takbo ang kanyang ginawa at pilit na iwinaksi an kabang nararadaman. Subalit muli siyang napahinto nang biglang maglaho ang liwanag na nakita niya kanina. Halos maiyak na siya sa sobrang takot at pagkadismaya. Naisip ni Peter, hindi sa isang sasakyan nanggaling ang liwanag na iyon.
Muli niyang inihakbang ang kanyang mga paa, pero kaagad din siyang napahinto nang mapansing tila may sumusunod sa kanya. Bumilis ang paghinga ni Peter at kaagad na nanindig ang kanyang mga balahibo. Hindi naman niya magawang lumingon dahil sa takot na makakita ng kung anong nilalang mula sa likuran.
Pigil-hiningang muling naglakad si Peter.
Mabagal.
Nakikiramdam.
Sunbalit nanlaki ang kanyang mga mata nang mahagip ng paningin ang isang aninong halos nakadikit na sa kanyang katawan. Pumailanlang ang kanyang sigaw nang maramdaman ang biglang pagkapit ng isang malamig na kamay sa kanyang kanang braso.
"Ahhh! Bitiwan mo 'ko! Bitiwan mo 'ko!"
Nagpumiglas si Peter mula sa mahigpit na pagkakahawak ng nilalang, ngunit malakas ito kaya hindi siya makawala. Halos mawalan siya ng ulirat dahil sa matinding takot, lalo na nang makita ang hitsira nito —isang babaeng nakadamit na puti, butas ang mga mata.
Walang humpay ang ginawang pagsigaw ni Peter. Naglulundag din siya sa pag-asang mabibitiwan siya ng babae kapag nagwala siya. Pero nagkamali si Peter, lalo kasing humigpit ang pagkakahawak nito sa kanyang braso.
"Sumama ka sa akin.... halika na.."
Halos sumabog ang dibdib ni Peter dahil sa matinding kaba nang magsalita ang babae. Pakaladkad pa siyang hinatak nito.
"'Wag! Ayoko! Saan mo 'ko dadalhin? Hindi ako sasama!"
Kahit alam ni Peter na parang imposible, hindi siya nawalan ng pag-asa na sana ay may makarinig sa kanyang pagsigaw o may kahit isang tao man lang na makakita sa kanya ngayon.
Nagtataka siya, ayon kasi sa kanyang ama, makikita lang niya ang mga ligaw na kaluluwa ngunit hindi siya kayang galawin o hawakan ng mga ito. Subalit heto siya ngayon, kinakaladkad ng isang kaluluwang ligaw.
"Hoy! Bitiwan mo siya! Lumayo ka sa kanya, ngayon din!"
Nakasilay ng kauting pag-asa si Peter nang marinig ang sigaw ng isang babae. Lumingon siya at nakita ang babae na halos kaedad lang niya, humahangos papalapit sa kanilang kinaroroonan. Naramdaman din niyang tila lumuwag ang pagkakakapit ng kaluluwa sa kanya.
"Sabi ko bitiwan mo siya! Ayaw mo, ha?" pasigaw na saad ng babae.
Kitang-kita ni Peter, may isinaboy ang babae sa kaluluwa. Parang holy water.
Umatungal ang nilalang at mabilis na lumayo.
"Okay ka lang ba? Hay, pasaway talaga ang mga 'yon, oo! Gusto pang ginagalit ako, eh."
"S-sino ka? T-tao ka ba.. o k-kaluluwa rin?" nanginginig na tanong ni Peter. Kahit na tinulungan siya ng babae, hindi pa rin siya lubos na nagtitiwala rito, baka kasi isa rin itong kaluluwa katulad ng mga nakita niya kanina.
"Tumayo ka nanga d'yan, ihahatid na kita para hindi ka na nila gambalain." saad ng babae.
Hindi na nito sinagot ang huling tanong ni Peter. Naisip niya, ayos lang, baka na-offend nang tinanong niya kung kaluluwa rin ba ito. Ang ganda-ganda kasi nito at hindi naman mukhang patay na.
"Thank you, ha! Baka namatay na ako kung hindi ka pa dumating. hey, ako nga pala si Peter. And you are..?"
Bahagyang natahimik ang babae at matamang tumitig sa mga mata ni Peter. Mayamaya ay ibinaba nito ang paningin sa kanyang nakalahad na palad.
"I'm Abby. Halika na, maglakad na tayo," saad nito. Tumalikod ang babae at mabilis na naglakad, hindi inabot ang kamay ni Peter.
Napangiti na lang si Peter.
Ang suplada naman, naisip niya.
O, baka naman walang tiwala sa kanya?
"Ahm, Abby, may third eye ka rin ba? Ah, obvious naman tinanong ko pa talaga! Ako kasi meron. Walong taon pa lang ako nakakakita na ako ng mga ligaw na kaluluwa. Bakit parang hindi ka natatakot sa kanila? Ang tapang-tapang mo naman bilang babae!"
"Hindi naman sila nakakatakot. Siguro, naliligaw nga lang sila. O, kaya naman ay hindi nila matanggap na patay na sila. Pero hindi naman sila nananakit."
"Bakit ako, balak nilang saktan?"
Huminto si Abby saka humugot ng isang malalim na buntong hininga. "Ewan ko." mahinang tugon ng babae. "Halika na. Baka sa pupuntahan natin ay malaman natin ang kasagutan," makahulugan nitong dugtong bago magpatuloy sa paglalakad.
Tahimik silang naglakad. Marami sanang gustong itanong si Peter sa babae pero mukhang mailap ito. Madalas itong nauuna, ayaw sumabay sa kanya. Naisip ni Peter, mamaya na lang uli siya magtatanong kapag nakarating na sila sa kanilang pupuntahan.
Ilang minuto pa ang lumipas, natuwa si Peter dahil muli na niyang naririnig ang tunog ng mga sasakyan. Ibig sabihin, malapit na sila sa highway.
"Yes! Malapit na tayo sa highway, 'no? Ang galing mo naman. Tagarito ka ba, Abby?"
"Ah, oo. Bata pa lang ako dito na kami nakatira sa baryo ng Santa Ana."
Bahagyang nagulat si Peter sa isinagot ni Abby.
Bakit Baryo Santa Ana ang tawag nito sa lugar na ito? Hindi ba nasa Santa Ana, Manila sila? Naisip ni Peter, may pagkaweird ang babaeng kanyang tagapagligtas.
"Hayon na ang pupuntahan natin! Bilis!"
Wala nang nagawa si Peter kundi ang sumunod kay Abby nang patakbo nitong tinungo ang maliwanag na parte ng kalye. Habang papalapit sila ay natanaw ni Peter ang kumpulan ng mga tao. Iba't ibang tao... at may mga pulis.
"S-sino ba ang mga 'yan? I mean, mga buhay ba sila? P-pasensiya na, Abby, minsan kasi hindi ko talaga nakikilala kung sino ang buhay na tao at kung sino ang ligaw na kaluluwa lang."
"Halo-halo na sila... may mga buhay d'yan, pero may mga kaluluwa na lang din." mahinang sagot ni Abby. Bahagya pa itong napayuko.
Napamaang si Peter. para kasing ang lungkot-lungkot ni Abby. Bigla tuloy siyang kinutuban. Hindi kaya... patay na talaga ito at isa na lang ding ligaw na kaluluwa?
"O, teka, teka! Tumabi nga kayo para madaling maiahon ang mga bangkay! Nakakasagabal kayo eh!"
Napalingon si Peter nang marinig ang malakas na boses na iyon. Isang matabang pulis ang nagsalita. Hinahawi nito ang mga taong nagkukumpulan.
Napaisip si Peter.
May aksidente yatang nangyari sa lugar na ito...
Mabilis siyang lumapit sa naturang pulis upang makiusyoso sa nangyari.
"Sir! Sir, a-ano po ba'ng nangyari dito?" tanong ni Peter.
Hindi siya pinansin ng pulis. Masyado kasi itong abala sa paghahawi ng mga taong naroroon.
"Sir!" muli niyang tawag sa pulis, ngunit tinalikuran lang siya nito. Nakaramdam siya ng pagkairita kaya mabilis niya itong hinabol at hinablot sa braso.
Nagulantangsi Peter..at dahan-dahang iniangat ang mga palad upang titigan ang mga iyon. Hindi kasi niya nagawang hawakan ang pulis, tumagos lang ang kanyang kamay sa braso nito. Napalunok siya at nakaramdam ng panlalamig.
Biglang rumagasa sa kanyang isipan ang mga sari-saring bagay.
Dahan-Dahan siyang lumingon kay Abby.
"A-Abby, sabihin mo, p-patay na ba ako? Isa na ba akong kaluluwa? Sumagot ka.." mahina ngunit mariin niyang saad.
"O-oo, Peter. Patay ka na. Ginagamit ko ang third eye ko para tulungan ang mga ligaw na kaluluwa. At mukhang isa ka sa mga sakay ng naaksidenteng van na 'yan."
Nanlambot ang mga tuhod ni Peter. Kaagad na tumulo ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Patuloy ang pagdaloy ng mga realisasyon sa kanyang isip. Hindi pala dahil sa kanyang third eye kung bakit nakakita siya ng mga ligaw na kaluluwa kundi dahil... isa na rin pala siya sa mga ito.
Comments
Post a Comment