Midnight Man


Gabi ng Biyernes, naimbitahan kami ni Jackie na mag-overnight sa bahay nila. Ang nanay at tatay niya ay umuwi ng probinsya para bisitahin ang lola niya na na-high blood kamakailan.

Naroon ang iba ko pang mga kaibigan na sina Rara at ang adik kay Leonardo DiCarpio nasi Angelou. Sa loob ng bahay ay naaabutan kong ipinapalabas na naman ang Titanic. Seryoso, kada mag-i-sleepover kami hindi puwedeng hindi panonoorin ang pelikulang iyon.

"Grabe, 'di ko matanggap na namatay si Jack. Sayang ang lahi niya. Shet!" pagmomonologue ni Angelou na maluha-luha pa.

"Gusto mo ng Human Centipede o Cannibal?" tanong ni Jackie kay Angelou.

Natawa si Jackie nang umungol si Angelou dahil sa pandidiri. Kolektor talaga si Jackie ng mga bayolenteng palabas. Sadista yata siya, deep inside.

Lumipas ang isang oras, naging boring ang lahat. Si Jackie ay papikit-pikit habang nakatingin sa TV, si Angelou ay umiiyak dahil nagpapaalam na si Rose kay Jack, si Rara ay ewan ko kung anong ginagawa, at ako naman.... heto... hawak ang cellphone ... nagpapagala-gala sa internet. Tumitingin ng kakaibang bagay, ng nakakaexcite, ng nakakathrill na bagay. Pampawala sana ng boredom....

Hanggang sa mapunta ako sa website ng CreepyPasta.

Isang article doon ang nakapukaw ng atensiyon ko.

"Uy, guys, alam nyo ba 'yong Midnight Man?" tanong ko sa tatlo.

Nilingon ako ni Rara. Si Jackie ay humihikab at tumingin sa direksiyon ko. Si Angelou ... malakas talaga ang kapit ng Titanic sa batang ito.

"Hindi. Ano ba 'yon?" tanong sa akin ni Jackie.

Hinanap namin sa website ng CreepyPasta ang tungkol sa Midnight Man.

Ayon sa article, isa raw iyong sinaunang paganong rituwal na parusa sa mga taong lumabag sa batas ng kanilang kumunidad. Parang hide-an-seek iyon — kailangan iwasan ang Midnight man hanggang 3:33 nang umaga.

"Uy! Parang magandang laruin 'tong Midnight Man!" tuwang-tuwa si Jackie, siya na ngayon ang may hawak ng cellphone ko at nagbabasa. "I-try natin! Tingnan natin kung totoo!"

Sumang-ayon si Rara. Hindi nagtagal sumingit na rin si Angelou at nakiusyoso.

First time naming maglalaro ng ganoon kaya excited kami.

Nang gabing iyon, ang buong akala namin ay laro lang ang lahat...



Pinalipas namin ang ilang oras. Napatay na namin ang lahat ng ilaw sa buong bahay at flashlight lang ang liwanag namin. Ginagawa na namin ang rituwal sa pagtawag sa Midnight Man. Bawat isa sa amin ay may papel, isinulat namin ang buong pangalan namin doon. Inilagay namin ang apat na papel sa harap ng pintuan nina Jackie at sinindihan isa-isa ang apat na malalapad at matatangkad na kandila.

"Walang iiyak. Walang iihi sa salawal kapag nag-start, ha?" sabi ko sa kanila sabay patay ng flashlight  at inihagis iyon sa tabi. Tanging kandila na lang ang mga ilaw namin.

Sinabihan ko silang dalhin ang sari-sariling cellphone para sa time check. Tiningnan ko rin kung sino ang may bitbit ng garapon ng asin. Kailangan namin ng asin dahil ayon sa nabasa namin, kug sakaling mamatay man ang kandila namin at hindi umilaw sa loob ng sampung segundo, ang asin ang magiging proteksiyon namin kapalit ng kandila. Ibubudbod namin ang asin pabilog at dapat, manatili kami sa loob niyon hanggang 3:33 AM. Nagdala ako ng extra kung sakali.

"Ano'ng oras na?" tanong ko kay Rara..
"11:58."

May dalawang minuto pa para makapaghanda. Nakahilera na kaming apat sa harap ng pinto. Si Angelou ang kakatok mamaya nang dalawampu't dalawang beses para imbitahin ang Mindnight Man.

"Palatandaan na nasa paligid ang Midnight Man, una, mamamatay 'yong apoy sa kandila. Pangalawa, lalamig ang paligid. Pangatlo, may mga maririnig na bulong, at pang-apat may makikita kayong itim na figure na parang tao. Nakuha ba?"

paalala sa amin ni Jackie, binabasa niya ang mga nakasulat sa cellphone.

"Wag ninyong bubuksan 'yong bulbs mamaya kapag nag-umpisa na," pagpapatuloy ni Jackie. "O, 11:59 na. Tapusin mo ang katok bago mag-12:01 mamaya, Angelou."

"Girls, parang ayoko ng ituloy 'to. Natatakot na 'ko," narinig naming sabi ni Angelou.

"Pero gusto kong maglaro!" nakangusong sabi ni Jackie.

"Kung aayaw ka, maiiwan kang mag-isa sa dilim," ani Rara Kay Angelou.

Walang nagawa si Angelou sa birada ng dalawa. Kumapit na lang siya sa braso ni Rara at pumagitna sa aming lahat.

 "Oy, 12 AM na!"

Sunod-sunod na pagkatok ang ginawa ni Angelou sa pinto hanggang sa umabot iyon ng dalawampu't dalawa. Binuksan ko ang pinto  at pinatay namin aang ilaw ng mga kandila namin. Nang isarado ni Rara ang pinto, saka namin sinindihang muli ang mga kandila.

Iyon ang umpisa ng laro.

"Kapit-kapit tayo, ha? Walang bibitaw. Lakad, dali!" utos ni Jackie na pinangunahan ang paglalakad.

Dahaan-dahan ang paggalaw namin dahil baka mamatay ang kandila namin. Mula sa sala, lumakad kami patungong kusina.

"Lahat ba may lighter?" tanong ko. Tumango ang tatlo. Sinipat ko uli kung sino ang may dala ng container ng asin. Bitbit iyon ni Angelou.

Nang makarating kami sa kusina ay umupo kami sa tapat ng lababo. Biglang umihip ang hangin. Muntik nang mamatay ang mga kandila kaya tinakpan namin ng mga palad namin  ang ga iyon.

"Hoy, wala, ah. Nakakaloka," biglang nagsalita si Angelou.

Napalingon kaming lahat sa kanya.

"Sino'ng kausap mo d'yan?" tanong ni Rara kay Angelou.

"Sabi ni Jackie, may boyfriend na daw ako."

Ikinagulat namin ang sagot ni Angelou. Bakit? Hindi naman kasi nagsasalita si Jackie.

Nagsimula na kaming kabahan lalo na nang maramdaman namin ang pagbabago ng paligid. Tumindig ang mga balahibo ko sa batok at sa braso. Lumamig bigla sa kusina.

"Lumipat na tayo ng lugar!" bahagyang nagpanic si Jackie.

At dahil nagmamadaling tumayo ang lahat, dalawa sa kandila namin ang namatay.

"Puch—sindihan mo 'yong kandila nina Rara at Angelou!" pasigaw na saad ni Jackie.

Sa pagpapanic niya, nadunggol niya si Angelou. Narinig namin ang pagbagsak ng container at paggulong nito mula  sa kung saan. Hindi na ako halos huminga. Nang masindihaan ko ang kandila nina Rara at Angelou ay saka  kami nag-umpisang maglakad.

Narinig naming umiiyak si Angelou. "Mama, ayoko na!"

Hinagod ko ang likod ni Angelou. Naiintindihaan ko ang nararamdaman niya. Maski ako, parang gusto ko na ring umiyak.

"Hanapin n'yo 'yong asin! Ilawan n'yo!" pati ang kalmadong si Rara, apektado na rin.

Isinakto namin ang paghahanap sa asin nang lahat kami ay nasa bungad ng kusina. kailangan naming makuha ang asin. Iniunat ko ang kamay ko na may hawak ng kandila para tanglawan ang nasa harapan. Natagpuan ko ang salt container at iniabot ko iyon kay Angelou. Palabas na kami ng kusina nang biglang mamatay ang lahat ng kandila namin.

Natakot kaming lahat kaya napatakbo kami sa dilim nang hindi alam kug saan papunta. Pero nang ang isa sa amin ang biglang nagsindi ng kandila, naalala naming gawin din iyon.

Sa pagliwanag ng paligid ko, nakita kong isa na lang ang kasama ko.

"Nasaan sina Rara at Angelou?!" halos magmura si Jackie. Hindi nagtagal, lumuha na ito. "Hanapin natin sila! Na kay Angelou ang asin, 'di ba? Paano si Rara?"

Parang gusto kong umiyak. "Hindi ko alam."
"Rara! Angelou!" sigaw ni Jackie. "Nasaan kayo?!"

Halos sabay naming narinig ang sigaw ng dalawa. Bahagyang napanatag ang kalooban namin. Gayunpaman ay hindi pa rin huminto si Jackie sa pag-iyak.

"Nasaan kayo?! Susunduin namin kayo!" tanong ko sa kanila.

"Nasa dining area ako!" boses iyon ni Angelou.

"Nasa sala ako!" sagot naman ni Rara.

Narinig kong tumawa si Jackie sa tabi. "Kayo pala ang magkalapit, ba't 'di n'yo puntahan ang isa't isa? Nasa taas kami ngayon, bababa na kami."

Pababa kami ng hagdan ni Jackie. Nakita namin ang dalawang ilaw ng kandila na magkasama. Nakahinga kami nang maluwag. Naroon sa sala sina Angelou at Rara —

"Jackie, b-bakit ganyan ang anino n'yo?"

Kinabahan ako sa tingin na ibinibigay nina Rara at Angelou sa amin. Na para bang may nakikita sila. Sa kisame. Sa tapat namin. Hindi na namin tinangkang tumingala ni Jackie dahil alam na namin kung ano iyon. Malamig ang paligid, humihina ang apoy ng kandila namin...

"Nakita ko na kayo."

Isang bulong ngunit narinig ng lahat.

Nang tumili si Angelou, napatingala kami ni Jackie at nakita roon ang isang itim na pigura. Napasigaw kaming lahat nang mamatay ang mga kandila. Naramdaman ko na nahiwalay si Jackie sa akin kasabay ng pagkalabog ng kung ano.

Masyadong maingay sa paligid dahil sa sigawan.

Kumilos akong mag-isa at sinindihan muli ang kandila bago lumagpas ang sampung segundo.

Tumahimik bigla ang paligid. 

Malamig pa rin.

Nasa taas ba ang Midnight Man?
Ako ba ang sinusundan ng Midnight Man?
Napaiyak na ako sapagkakataong ito.
"Mama... Papa..." sambit ko.

Ayon sa paniniwala kapag natalo ka sa larong ito, kung hindi ka mababaliw, mamamatay ka.

Pumasok ako sa loob ng isang kwarto. Nang mapatingin ako sa tabi ng maluwang na bintana, kung saan nagsasayawan ang dalawang pares ng kurtina, naroon at nakatayo  ang isang itim na pigura na matangkad at hugis tao.

Unit-unti ay lumalapit iyon sa akin.
At sa isang kisapmata, heto at halos isang hakbang na lang ang pagitan namin.

Nahigit ko ang hininga ko. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Nanginginig na kinuha ko ang plastic ng asin na baon ko magmula pa kanina. Mabilis kong binudburan ng asin ang sahig, gumawa ng bilog at umupo sa gitna niyon. Hindi ko pa rin pinapatay ang kanila.

At sa sinag ng liwanag, lumapit ang itim na pigura sa akin at bumulong.

"Nakita na kita..."

Nanlamig ang buong katawan ko. Nanindig ang lahat ng balahibo ko. Damang-dama ko ang lakas ng tibok ng puso ko at anumang oras, maaari akong himatayin.


Wala akong ideya kung ilang oras na akong tulala. Basta narinig ko na lang na tumunog ang alarm clock ko.

3:33 AM na.

Hindi ako agad umalis sa puwesto ko,  hinintay ko munang mag-alas-kuwatro.

Ilang minuto pa ang lumipas, tumayo ako, sinindihan  ang flourescent lamp, at bumaba. Halos nawala ang lahat ng enerhiya ko sa katawan dahil sa laro.

Una kong naabutan si Rara. Nasa sala siya at nakaupo. Tulala. Hawak ang nakasindi pa ring kandila.

"Hanapin natin sila Angelou," sabi ko sa kanya saka ako lumakad.

Pumunta ako sa dining area, sinindihan ang ilaw.

Walang tao roon.

Sunod kong pinuntahan ay ang banyo. Naroon si Angelou, nakasalampak sa sahig habang nasa loob ng bilog at nakatalikod.

"Tumigil ka na sa pag-iyak diyan, tapos na," narinig kong wika ni Rara kay Angelou na hindi ko namalayang kasunod ko na pala.

Si Jackie na lang ang kulang.

Kaya nang ikutin namin ang buong bahay at hindi siya mahanap, kinabahan ako. Nawawalan na ako ng pag-asa. Hanggang sa... makarinig kami ng iyak.

Na nanggagaling  mula sa kusina.
Naroon si Jackie sa likod ng nakausog na bigasan —nanginginig, tulala... takot na takot. Sa paanan niya ay isang bilog na gawa sa asin. Nakita ko sa lapag ang isang plastic ng iodized salt. Niyakap ko siya at napaiyak ako.

"Sorry. Sorry. Kasalanan ko 'to. Ako ang may idea nito. Sorry!" malakas na umiyak si Jackie sa balikat ko.

Ilang minuto kaming ganoon hanggang sa unti-unti kaming kumalma.

"Nasaan nga pala si Angelou?" tanong ni Jackie nang tumigil na siya sa pag-iyak.

Lumingon ako kung nasaan ang puwesto ng dalawa. Inutusan ko si Rara na sunduin si Angelou sa banyo.

Si Angelou... siya ang pinakanaapektuhan sa aming lahat kaya hangang ngayon, malamang ay tulala pa rin iyon. Habang naghihintay kami ni Jackie sa kusina nagulat kami ng tumili si Rara.

Agad namin siyang pinuntahan.

Sinalubong kami ng walang imik na si Rara at itinuro ang kinaroroonan ng isa.

Sa pagkakataong iyon, nakaharap na si Angelou  sa amin.

At kulang ang salitang "shock" para ilarawan ang nararamdaman namin nang matitigan namin siya —nakatirik ang mga mata, nakabuka ang bibig, at hawak ang tali na nasa leeg niya.

Sa sahig, makikita na kalahati lang ang nagawa niyang circle of salt.
  

 

Comments