Ghost Call
Ako si Carl Robert, isang call center agent. Gusto kong ipaalam sa iyo na napaka-advance na ng teknolohiya. Ang account na hawak ko sa aking trabaho ay car security system ng mga bagong sasakyan.
Magugulat ka sa sistema na ito dahil nandito ang lahat ng impormasyon tungkol sa iyong sasakyan. Malalaman mo kung nasaan ang sasakyan mo at gaano kabilis ang tinatakbo nito. Bukod pa doon, may special features ang sistema dahil sa bawat tawag mo ay konektado ang pulis at awtoridad sa iyong linya. Kahit manakaw ang kotse mo, puwede mong itawag ito at sabihin na pahintuin ang makina ng sasakyan o i-lock ang pintuan ng sasakyan nang sa ganoon hindi makalabas ang magnanakaw o ang taong nasa loob nito. Ito rin ang naka-install na sistema sa loob ng aking sasakyan.
Sa tagal ko sa aking trabaho at account, marami na rin akong na-encounter na tawag mula sa mga stalkers, magkarelasyong walang tiwala sa isa't isa, at iyong mga taong na-carnap ang kanilang sasakyan. Pero kasama na rin dito ang mga prank calls ng mga taong walang magawa sa buhay. Madalas na nagpa-prank call sa aming account ang taong akala mo ay laging nasa banyo dahil sa tunog ng kanyang boses. Wala siyang ibang sasabihin kundi, "I'm locked —"
Matagal na siyang tumatawag. Simula pa lang na napunta ako sa ganitong account ay nakakausap ko na ang misteryosong manloloko sa kabilang linya. Noong una ay akala ko ang headset ko lang ang may sira dahil tuwing nasasagot ko tawag nya, para bang napakahina ng boses at kulob na para bang may nakatakip sa kanyang mikropono. Sa kadahilanang ito kaya madalas kong pinapapalitan sa aking TL o Team Leader ang aking headset.
Dumating ang araw na napansin kong parang paulit-ulit na lamang siyang tumatawag at iisa lamang ang kanyang sinasabi kaya nagkaroon ako ng lakas ng loob na itanong sa mga katrabaho ko kung nakakatanggap ba sila nang ganoong klaseng call. Natawa sila nang sabihin sa akin na isa lang iyong prank caller. Ang iba kong katrabaho ay iba naman ang naging pahayag dito. Baka isang empleyado daw iyon sa aming kompanya at tine-testing lang ang kapasidad at paghandle ng tawag ng mga agents. Pero sa sumunod na araw ay binawi rin ng mga katrabaho kong nagsabi na isang empleyado ang tumatawag dahil ibinalita daw nila ito sa aming supervisor at sinabi sa kanilang hindi galing sa kompanya ang call na iyon dahil matagal na rin daw nilang tina-track o inaalam kung sino at saan nanggagaling ang call ngunit lagi silang bigong malaman dahil unknown number ang tumatawag.
Sa huli ay naisip na lang talaga namin na isang taong walang magawa sa buhay ang tumatawag sa amin upang manloko. Sa dalas niyang tumawag at manloko, siya ay aming binansagan na "CR boy" dahil nakakatawa man isipin, para siyang laging nasa CR tuwing kakausapin namin.
Naniniwala naman ako sa aking mga katrabaho dahil mukhang iisa lang naman ang laman ng kanilang mga sinasabi, na manloloko nga talaga ang tumatawag sa aming account. Kabisado na ng lahat ng mga empleyedo ang tunog na nagmumula sa kanyang mikropono na para bang mp3 lang ito at naka-loop at pini-play sa aming tainga. Hanggang sa mga araw na ito ay natatanggap pa rin namin ang ganitong klaseng call kada oras. Patuloy lang namin itong sinasagot kahit na alam naming niloloko lang kami at hindi naman mareresolba ang problemang kanyang sinasabi dahil hindi namin makuha mula sa kanya ang mga kailangan naming impormasyon tungkol sa kanyang sasakyan. Sa Kalagitnaan ng pag-uusap ninyo ay hindi na siya magsasalita pagkatapos niyang masabi ang kanyang problema. Ang tawag namin sa mga ganitong klaseng tawag ay, "Ghost Call."
Ako ay gumising isang araw, alas-sais ng gabi. Naghanda ako para pumasok sa aking trabaho. Umalis akong masaya gamit ang aking kotse dahil alam kong twenty-five ngayon kaya susuweldo na naman ako.
As usual, dumating ako ng mas maaga sa shift ko kaya may pagkakataon pa akong magpahinga sa lounge ng aming opisina. Tinext ko ang girlfriend ko dahil may plano kaming lumabas mamaya. At sinabi ko sa kanya na tawagan na lang ako kapag tapos na ang oras ng aking trabaho. Dahil mahigpit na ipinagbabawal ang cellphone sa loob ng aming workplace, itinago ko na ang aking aking cellphone sa bag at inilagay ito sa loob ng aking locker. pagkatapos ng ilang minuto ay pumasok na rin ako sa loob ng aming workplace. Dito ko nakasalubong ang aking kaibigan na pa-out na sa kanyang shift. Nag-usap kami sandali sa aming mga lakad pagkatapos ng trabaho. Sa kalagitanaan ng usapan ay pinasok niya si "CR boy" na kanya raw nakausap bago siya mag-out. Biniro ko siya na dapat niloko niya rin ito ng pabalik. Pagkaupo ko sa aking puwesto ay bumungad agad sa akin ang pinakaunang tawag ko sa aking shift. Sinagot ko kaagad ang tawag at ibinigay ang aking pangunahing salita.
"Hello. Thank you for calling. How can I help you today?"
Sumagot ang aking kausap at nagsabing, "I'm locked inside my car." sa tunog ng mikroponong akala mo ay sira dahil sa hina at hindi malinaw na pagkakasabi nito.
Sino pa nga ba ang kausap ko?
Siyempre si CR boy.
Dahil alam kong hindi na siya sasagot pa sa aking mga hinihinging impormasyon, itinanong ko na agad, "Sir, are you still there?'
Wala akong narinig na sagot kung hindi ingay lang na nagmumula sa kanyang mikropono. Dahil hindi ko puwedeng ibaba kaagad ang telepono hangga't hindi pinuputol ng aking kausap ang linya, inulit ko ang aking tanong na, "Sir, are you still there?"
Tanging kaluskos lang talaga ang aking naririnig at ingay na para bang nakakulob ang tunog.
Sa huling beses tinanong ko siyang muli.
"Sir, if you're still there, please respond."
Walang sumasagot. At iyon na ang senyales na puwede ko ng ibaba ang telepono.
"Thank you for calling."
Ang mga sumunod na tawag na aking natanggap ay iyong mga normal na calls na kung saan nakakausap ko ang mga may-ari ng sasakyan na nagpapa-trace kung nasaan ang sasakyan nila. Pagkatapos ay ilang oras ng pagtatrabaho ay ni-remind kami ng aming TL na lunch break na. Sa oras na ito, lumalabas ako at ang aking mga katrabaho upang kumain sa 24/7 na fast food restaurant.
Magkakasama kaming kumakain at nagkukuwentuhan. Pero pinigil ko ang masayang kuwentuhan at ipinasok si CR boy sa usapan.
Tinanong ko sila.
"Have you received the call from CR boy?"
"Yes, I did," sagot ng nakararami.
May isang nagsalita at sinabing, "I would really like to know who is the person behind that prank."
Napaisip ako sa isasagot. Pero ang sabi ko, "Is he really a prank caller? Maybe he really needs help and we kept on rejecting his calls?"
Nagsitawanan sila sa aking sinabi.
"My man, you got overdosed by eating too much noodles."
Tumawa ako at nakisama.
Bumalik ako sa opisina at nagsimula ng magtrabaho nang may tanong sa aking isip.
Gusto ko siyang makausap ulit. Gusto ko siyang matulungan. Nakatanggap ulit ako ng maraming calls, ngunit ni isa sa mga iyon ay hindi si CR boy. Nagpatuloy ang oras ng pagtatrabaho ko. Patuloy ako sa paghihintay sa tawag ni CR boy.
Natapos na ang oras ng aking trabaho. Nalungkot akong isipin na hindi ko siya nakausap muli sa araw na ito. Kasabay kong lumabas ang iba ko pang katrababaho sa opisina. Dali-dali kong itinanong sa kanila kung nakausap ba nila si CR boy sa huling pagkakataon. masaya silang nagsabi na hindi nila nakausap ang misteryosong caller. Nagpasalamat pa sila dahil tumigil na daw ang pagtawag niya. Kada oras kasi ay tumatawag ang taong iyon pero sa huling mga oras ng kanilang trabaho ay hindi na. Nagpaalam na ako at kinuha ang aking bag sa locker.
Umalis na ako sa opisina gamit ang aking sasakyan. Alam kong walang masyadong dumadaan ng ganito kagabi sa kalsada kaya habang nasa kalsada pauwi, t-in-ext ko ang aking girlfriend at nagsabing, My work's done. Call me if you're still awake.
Minabuti ko ng isara ang bintana ng aking kotse dahil maingay ang tunog ng hangin at katabing dagat na humahampas sa bangin ng kalsadang aking tinatahak. Matapos ang limang minuto ay nakatanggap ako ng tawag.
Gamit ang isang kamay, sinagot ko ito ng walang pag-aalinlangan dahil alam kong girlfriend ko ang tumatawag.
"Hello, hon, I'm just about to go home and I'm on the road. Let's meet later, okay? I'll just take a nap."
Hindi siya sumagot ngunit nakarinig ako ng pamilyar na tunog — ang ingay ng mikropono ni CR boy.
Mahina kong sinabi...
"Hello...?"
Nagsalita siya at sinabi, "Thank you for joining me."
Mabilis kong inalis ang cellphone sa aking tainga at tiningnan ang screen upang makita ang numero ng taong tumatawag sa akin. Napatitig ako nang matagal sa bumungad sa screen ng aking cellphone.
"UNKNOWN NUMBER" ang tanging nakasulat at walang kahit anong numerong ipinapakita. Huli na ng mapansin ko na may paliko sa kalsada na aking tinatahak. Nahulog ang aking sasakyan sa bangin ng nakabaliktad patungo sa dagat.
Mabilis na lumubog ang aking sasakyan patungo sa pinakailalim ng dagat. Hindi pa tuluyang pumapasok ang tubig. Tinanggal ko ang aking seatbelt at pinilit kong buksan ang pinto ng sasakyan ngunit ito ay nakalock. At sa hindi malamang dahilan ay hindi ko ito ma-unlock kahit nasa loob ako.
Sinubukan ko ring ibaba ang salamin ng kotse ngunit ang motor nito ay hindi gumagana. Hindi ko na alam ang gagawin. Pinilit ko ng basagin ang bintana ng aking kotse ngunit hindi ko magawa.
Unti-unti ng napupuno ng tubig ang loob ng aking sasakyan. Sa aking pagkataranta, naisip ko na tawagan ang numero ng car security upang ipa-unlock ang aking kotse at maalarma ang mga pulis. Bago pa man mabasa ang aking cellphone at tuluyang mapuno ng tubig ang loob ng kotse nasabi kong, "I'm locked—"
Comments
Post a Comment