Gayuma


Nalaman ni Mark ang tungkol kay Elias dahil sa kapitbahay niyang si Ronald. 

"Si Ka Elias ang puntahan mo. Magaling 'yon, nananawas, saka nanghihilot," ang sabi ni Ronald. "Ang balita sa lugar namin ay marunong din daw siyang manggayuma."

Dahil hindi siya masamahan, binigyan na lang siya ni Ronald ng direksiyon kung paano puntahan ang lugar ni Ka Elias. Gaya ng sabi ni Ronald ay bumaba siya sa kanto ng Dakila at sumakay ng traysikel. Hindi naman siya nahirapan dahil kilala ng lahat ng tigaroon ang manggagamot.

Sa isang manggahan na nasa gitna ng palayan nakatira si Ka Elias. Mararating lang ang manggahan sa pamamagitan ng paglalalakad sa pilapil.

Nang makarating si Mark sa bukana ay kinilabutan na siya. Malalaki ang mga puno na nakapaligid. Kakaunti na lang ang liwanag na nakakapasok sa manggahan dahil nasasala na iyon ng mga makakapal na dahon ng mga puno. Ang ingay ng mga traysikel at sasakyan ay mahinang huni na lang halos hindi na marinig. Parang nakarating tuloy si Mark sa ibang mundo.

Hindi naniniwala si Mark sa mga katulad ni Ka Elias, pero naisip niyang wala na ring mawawala kung susubukan niya. Isipin lang niya si Jean, pakiramdam niya ay susubukan niya ang kahit na ano.

May tatlong kubo sa manggahan. Nasa gitna ang pinakamalaki. May mga babae siyang nakita sa labas ng isang kubo.

Lumapit si Mark sa apat na babae na nakita niyang naghahanda pala ng lulutuin.

"Good morning, ho. Nandiyan ho ba si Ka Elias?"

Napansin niyang may hitsura ang mga ito at sa tingin ni Mark ay halos kaedad niya o mas bata pa sa kanya. Simple lang ang kanilang ayos at pananamit, pero hindi maikukubli ang kanilang ganda.

"Nandiyan siya." Itinuro ng isa sa mga babae ang pinakamalaking kubo. "Tumuloy ka nalang."

Parang hindi interesado ang mga ito kay Mark, ni hindi tinanong kung sino siya at kung ano ang pakay niya. Inabutan ni Mark na kagigising pa lang ni Ka Elias. Payat at kulubot na ang balat ng manggagamot. Walang kakaiba sa matanda maliban sa mga matang nanlilisik at bumabaon kung makatingin.

"May gusto kang babae," nakangising sabi ni ni Ka Elias matapos niyang magpakilala at ikuwento ang kanyang pakay.

"Ganoon na nga ho. Matutulungan n'yo kaya ko? Ang gusto ko lang ay mapansin niya 'ko."

Ngumisi si Ka Elias. "Bata, hindi ka lang niya basta mapapansin. Mababaliw siya sa 'yo. Iyon ang kaya kong gawin." Tumayo si Ka Elias, pumunta sa pintuan ng dampa at may tinawag. Bumalik ito sa pagkakaupo. Isa-isang nagpasukan ang apat na babae sa labas at pinatayo sila ni Ka Elias sa paligid niya.

"Kaya kong gawin ito para sa 'yo, bata."

Nakatingin ang manggagamot na nagmamalaki kay Mark at saka lamang naunawaan ng binata ang ibig sabihin ni Ka Elias. Napatawa ito nang bumakat sa kanyang mukha ang pagkagulat. Kay Ka Elias nakatingin ang apat na babae na para bang inaabangan ang bawat sasabihin at gagawin ng matanda.

"Sige na, lumabas na kayo at magluto," utos ni Ka Elias sa apat at lumabas ang mga ito na walang imik.

Bumilib na talaga si Mark kay Ka Elias. Sa hitsura at tanda ay tiyak na gumamit ito ng gayuma o kung ano pa man, para makuha ang apat na babaeng iyon. Nasabik si Mark sapagkat naisip niyang maaari ngang magkatotoo ang pangarap niya!

"Magkano po ang magiging bayad kung sakaling tulungan ninyo ako?"

Matagal na nakatingin lang sa kanya ang matanda. May kung anong nagsasabi kay Mark na hindi niya maaaring pagkatiwalaan si Ka Elias dahil para na siyang nakipagkasundo sa demonyo kung sakali. Ngunit maisip lang niya si Jean ay nawawala ang lahat ng pagdadalawang-isip ni Mark.

"Saka na natin pag-usapan 'yon," sabi sa kanya ni Ka Elias. "Basta magdala ka lang ng kahit na anong gamit ni.. Ano nga pala ang pangalan niya?"

"Jean, ho,"

"Jean?"

"Jean Sandoval."

"Jean Sandoval," ulit ni Elias.

Hindi gustong marinig ni Mark na inuulit ni Ka Elias ang pangalan ng kanyang mahal. ngunit hindi niya ito mapigilan.

"Magdala ka ng kahit anong gamit niya na madalas niyang hinahawakan at saka ng litrato niya."

Lumuwas si Mark na mabigat ang kalooban. Natatakot siya sa kanyang ginawa at gagawin, ngunit kapag naisip niyang maaaring maging kanya si Jean ay bumabalik ang lakas ng kanyang loob.

Nakatingin sa labas ng bintana ng bus si Mark ngunit hindi niya nakikita ang mga nadadaanang tanawin. Iba ang naka-display sa isip niya:

Uuwi raw siya sa bahay matapos ang maghapong pagtatrabaho, ngunit  siya'y hindi pagod. Sa halip, masaya siya at sabik na sabik.

Sasalubong sa kanya ang isang nakapagandang pangitain; si Jean, ang kanyang asawa, na nag-aalalang aasikasuhin siya at ipaghahain ng hapunan. Kahit ilang taon na silang nagsasama ay napakaganda pa rin ni Jean. Hindi siya makapagpigil at yayapusin niya ito at hahagkan. Kunwaring pipiglas si Jean ngunit hindi iyon magtatagal..

"Ser, saan kayo?"

Naabala ng konduktor ang pangarap ni Mark. "Sa Dakila," naiinis niyang sagot. Binutasan ng konduktor ang tiket para sa kanyang pamasahe at iniabot sa kanya. Gustuhin mang bumalik ni Mark sa kanyang pangarap ay hindi na niya kaya. Sayang.

Hindi siya nakatiis at binuksan niya ang kanyang bag. Mula sa isang paper bag ay dinukot niya ang isang panyong bulaklakin. Naamoy na niya kaagad ang banayad na bango nito at agad na pumasok sa isip niya ang larawan ng may-ari ng panyo, si Jean, at agad siyang napapikit.

Dalawang taon na niyang kasama sa opisina si Jean at ganoong katagal na rin siyang nahuhumaling sa dalaga. Sa loob ng panahon na iyon ay hindi nabawasan — sa halip ay lalong tumindi pa nga— ang pagtingin niya sa dalaga.

Parang masarap na torture na magkasama sila maghapon sa loob ng limang araw sa isang linggo. Masarap dahil nakikita, nalalapitan, at nakakausap niya ang kanyang mahal, torture dahil hindi niya magawang masabi rito ang nararamdaman niya. Feeling kasi ni Mark ay hindi siya kalevel ni Jean.

"She's way out of your league!" Iyon ang minsan ay nasasabi ni Mark sa kanyang sarili.

Unang-una ay napakaganda ni Jean, maputi at napakinis ng balat, nangungusap ang mga mata na napapaligiran ng mga pinakamahahabang pilikmata na nakita ni Mark sa buong buhay niya. Dahil petite ay parang manikang dapat alagaan ang dating n Jean kay Mark. Kung maaari nga lamang na siya na ang mag-alaga rito. Pero pakiramdam ni Mark ay masyadong maganda si Jean para sa kanya.

Isa pang nakahahadlang sa kanyang panliligaw at pagtatapat kay Jean ay galing ito sa may-kayang pamilya. Kahit hindi nga ito magtrabaho ay mabubuhay pa rin nang marangya ang dalaga.

Maganda, mayaman, at matalino. Out of his league talaga.

Ngunit biglang nagkaroon ng pag-asa si Mark. Ang susi sa pag-asang iyon ay ang panyong hawak niya. Nakipagsapalaran siyang nakawin ang panyo sa table ni Jean. Magkatabi ang table nila sa opisina at nang umalis ito sandali ay sumalisi siya para kuhanin ang panyo. Patay malisya si Mark nang magbalik ang dalaga at mapansing nawawala ang kanyang panyo.

Sa tulong ng panyong iyon at ni Ka Elias ay matutupad niya ang kanyang mga pangarap.

Nagtaasan uli ang mga balahibo ni Mark nang makarating siya sa manggahan ni Ka Elias. Nakilala na siya ng mga asawa ng manggagamot at agad na siyang pinapasok sa pinakamalaking kubo, kung saan tumutuloy ang matanda.

"Dala mo ba ang kailangan?" bungad na tanong kaagad ni Ka Elias kay Mark.

"Opo, nakakuha ako ng panyo niya." Kinuha ni Mark ang panyo ni Jean mula sa bag at iniabot sa matanda.

Inamoy ng manggagamot ang panyo. "Ang bango. Ninakaw mo ito, 'no?"

"Hindi po..."

Pinagtawanan lang siya ng matanda.  "Nasaan ang litrato niya?"

Kinuha ni Mark ang kanyang wallet at mula doon ay ang picture ni Jean. Kinuha niya iyon sa Facebook account ng dalaga at ipina-print.

Napatitig nang matagal ang matanda sa larawang inabot niya.

"Napakaganda niya," sabi ni Ka Elias.

"Oho, kaya nga ako na-in love sa kanya," sabi ni Mark na may halong pagmamalaki.

"Napakaamo ng mukha niya," sabi ng matanda na nakatitig pa rin sa litrato.

Sa kabila ng tinipid na liwanag sa loob ng dampa ay nakikita ni Mark ang matinding paghanga sa mukha ni Ka Elias at saka niya nakita ang halong pagnanasa sa titig nito. nagdalawang isip si Mark kung itutuloy pa ba niya ang lahat, ngunit naisip niyang huli na para umatras.

"Sige, iwan mo na sa akin ito, bata."

"Hindi n'yo pa ba gagawin ngayon?"

"May nakatakdang oras lang para doon."

"Pero 'di ba dapat nandito ako?"

Tinitigan siya ni ka Elias. "Sino'ng may sabi?"

"Wala... wala po, naisip ko lang."

"Ako ang nakakaalam, bata. Kung gusto mong matupad ang pangarap mo, susunod ka sa akin."

Hindi niya gusto ang pagtawag sa kanya ng "bata" ni Ka Elias dahil para siyang iniinsulto ng matanda, ngunit wala siyang magawa. Napilitang umalis si Mark at bumalik ng Maynila.

Sabado nang araw na iyon at ang sabi ni Ka Elias pagpasok niya sa Lunes ay tiyak ng makakakita at makakaramdam siya ng pagbabago kay Jean.

sabik na sabik si Mark, ngunit may bahagi niya ang nababahala sa kung paano tinitigan ni Ka Elias ang larawan ni Jean nang iwan niya ito.

Iyon na yata ang pinakainabangang Lunes ni Mark sa buong buhay niya. Doble ang oras na ginugol niya sa paliligo kaysa karaniwan at halos ibuhos niya sa kanyang katawan ang mamahalin niyang cologne. Bumili rin siya ng bagong polo, pantalon, at sapatos para sa araw na iyon.

Gusto niyang maging gwapo sa paningin ni Jean kapag una siyang nakita ito sa araw na iyon. Dapat ay nabago na ang paningin nito sa kanya. Kung dati ay kaibigan na ang pinakamatinding puwedeng marating niya sa dalaga, ngayon ay iba na.

Wala siyang dudang matutulungan siya ni Ka Elias dahil nakita niya kung ano ang kaya nitong gawin.

Halos sumabog si Mark sa pananabik habang bumibiyahe. Sinadya niyang magpa-late para nadoon na si jean pagdating niya.

"Late ka rin?" seryosong bungad sa kanya ni Miss Sara na supervisor nila nang pumasok siya sa department nila.

"Natraffic ho kasi ako," paliwanag ni Mark. Masaya pa rin siya.

"Si Jean wala pa rin! Lunes na Lunes ang daming trabaho tapos ganyan ang attitude ninyo."

Tinanaw ni Mark ang puwesyo nila ni Jean. Wala pa nga ang dalaga. Hindi na niya narinig ang ibang sinabi ni Miss Sara at matamlay siyang naupo sa chair niya. Kung ano ang ayos ng table ni Jean nang iwan iyon ng dalaga noong Biyernes ay ganoon pa rin iyon.

Hindi pumasok si Jean ng Lunes

Wala pa rin si Jean ng Martes at Miyerkules

Hindi sinasagot ng dalaga ang tawag sa cellphone. Pero may naka-contact sa pamilya ng dalaga at nagulat ang lahat sa balita. Nakipagtanan daw si Jean!

Nagulat ang lahat dahil wala silang nababalitaan na may nobyo ang dalaga. Kung ano-anong tsismis na ang kumalat kung sino ang sinamahan ni Jean.

Natakot si Mark. Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyari. May Kinalaman ba doon si Ka Elias? Pero bakit hindi siya ang sinamahan ni Jean?

Biyernes.

Hindi nakatiis si Mark. Hindi na siya pumasok at pinuntahan niya si Ka Elias. Kailangan niyang malaman kung ano ang nangyari. Maaari kayang sa iba nabaling ang pagtingin ni Jean na dapat ay sa kanya?

Pagdating ni Mark sa manggahan ni Ka Elias ay mas tahimik pa iyon kaysa sa dati. Wala ang mga asawa ng matanda na dati ay abala sa labas at naghahanda.

Nagtungo kaagad siya sa kubo ng manggagamot.

"Ka Elias, nandiyan ho ba kayo?"

"Tumuloy ka," utos ng boses ni Ka Elias mula sa loob.

Pagpasok ni Mark sa loob ng kubo ay nakita niyang nakahiga si Ka Elias sa banig na nasa lapag. 

Ngunit hindi doon nagulat si Mark. Ang ulo ng matanda ay nakaunan sa kandungan ng isang babae.

Si Jean!  

Comments